1 Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh:
2 Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon.
3 Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.”
4 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh:
5 Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso;
6 lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing,
7 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya,
8 langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso.
9 Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.”
10 “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin
11 ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito.
12 Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito.
13 Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos,
14 ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito.
15 Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo,
16 ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito.
17 Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan.
18 Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing,
19 ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”
20 Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda.
21 Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari.
22 Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh.
23 May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing.
24 Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo.
25 Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob.
26 May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing.
27 Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.
28 May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso.
29 Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.
30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda.
31 Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining.
32 Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso.
33 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining.
34 Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman.
35 Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.