1 “Para sa tabernakulo, gumawa ka ng sampung pirasong tela na yari sa telang lino na ihinabi sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Ito'y dapat burdahan ng larawan ng kerubin.
2 Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at dalawang metro naman ang lapad.
3 Pagkakabit-kabitin ninyo ito ng tiglilima.
4 Ang tig-isang gilid nito'y lagyan ninyo ng silo na yari sa taling asul.
5 Tiglilimampung silo ang ilagay ninyo sa bawat piraso.
6 Gumawa ka ng limampung kawit na ginto at ang mga ito ang gagamitin ninyo para pagkabitin ang dalawang piraso.
7 “Gumawa ka rin ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing na siyang gagawing takip sa ibabaw ng tabernakulo.
8 Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad.
9 Pagkabit-kabitin ninyo ang limang piraso at gayundin ang gawin sa anim na natitira. Ang ikaanim ay ilulupi at siyang ilalagay sa harap ng tolda.
10 Bawat piraso ay palagyan mo ng tiglilimampung silo ang gilid.
11 Gumawa ka ng limampung kawit na tanso at isuot mo sa mga silo para pagkabitin ang dalawang piraso upang maging isa lamang.
12 Ang kalahating bahagi ng tabing ay ilaladlad sa likuran upang maging takip.
13 Ang tig-kalahating metrong sobra sa mga tabi ay siyang takip sa gilid.
14 Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam.
15 “Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya;
16 bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad.
17 Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong.
18 Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo
19 at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi.
20 Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga
21 at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi.
22 Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo
23 at dalawa para sa mga sulok.
24 Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas.
25 Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan.
26 “Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi,
27 lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran.
28 Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding.
29 Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.
30 Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.
31 “Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin.
32 Isabit mo ito sa mga kawit na ginto na nakakabit sa apat na haliging akasya na binalot din ng ginto at nakatindig sa apat na patungang pilak.
33 Isabit mo ang tabing na ito sa tapat ng kawit sa bubong ng tabernakulo at ilagay sa likod ng tabing ang Kaban ng Tipan. Ang tabing na ito ang siyang maghihiwalay sa Dakong Banal at sa Dakong Kabanal-banalan.
34 Ang Luklukan ng Awa ay ilagay mo sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na nasa Dakong Kabanal-banalan.
35 Ang mesa ay ilagay mo sa labas ng kurtina, sa gawing hilaga ng Dakong Banal at sa gawing timog naman ang patungan ng ilaw.
36 “Ang pintuan ng tabernakulo'y lagyan mo ng kurtinang iba't ibang kulay na hinabi sa lanang asul, kulay ube at kulay pula, at telang lino. Ito'y buburdahan nang maganda.
37 Gumawa ka ng limang posteng akasya para sa tabing. Balutin mo ito ng ginto, kabitan ng argolyang ginto at itayo sa limang tuntungang tanso.