1 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos:
2 “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
4 “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin.
5 Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.
6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
7 “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.
8 “Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga.
9 Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin.
10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo.
11 Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.
12 “Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag kang papatay.
14 “Huwag kang mangangalunya.
15 “Huwag kang magnanakaw.
16 “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo.
19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”
20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.”
21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.
22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit.
23 Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto.
24 Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo.
25 Kung gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan.
26 Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.”