1 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”
2 “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron.
3 Ganoon nga ang kanilang ginawa.
4 Kinuha ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”
5 Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.”
6 Kinabukasan, maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako.
8 Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto.
9 Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo.
10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”
11 Nagmakaawa si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.
12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila.
13 Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”
14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.
15 Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos.
16 Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.
17 Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”
18 “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.
19 Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog.
20 Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita.
21 Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”
22 Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito.
23 Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo.
24 Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”
25 Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid.
26 Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita.
27 Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’”
28 Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon.
29 Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.”
31 Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto.
32 Ipinapakiusap ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”
33 Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.
34 Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”
35 At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron.