1 Pagkatapos nito, nagpunta sa Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya.”
2 “Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon.
3 Sinabi nila, “Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos. Kung hindi, lilipulin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”
4 Sinabi ng hari ng Egipto kina Moises at Aaron, “At bakit ninyo ilalayo ang mga tao sa kanilang trabaho? Bumalik kayo ngayon din sa inyong mga trabaho.
5 Mas marami na nga ang mga Hebreo kaysa mga Egipcio, nais pa ninyong tumigil sa pagtatrabaho?” sabi sa kanila ng Faraon.
6 Nang araw ding iyon, ipinatawag ng Faraon ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas na Israelita. Sinabi niya,
7 “Huwag na ninyo silang bibigyan ng dayaming ginagamit sa paggawa ng tisa. Hayaan ninyong sila ang manguha ng gagamitin nila.
8 At ang dami ng gagawin nila ay tulad din ng dati; huwag babawasan kahit isa. Tinatamad lang ang mga iyan kaya nagpapaalam na maghandog sa kanilang Diyos.
9 Lalo ninyong damihan ang kanilang gawain at lalo silang higpitan sa pagtatrabaho para hindi sila makapakinig ng kung anu-anong kasinungalingan.”
10 Pagkasabi nito ng Faraon, lumakad ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas. Sinabi nila sa mga tao, “Ipinapasabi ng Faraon na hindi na kayo bibigyan ng dayami.
11 Kayo na ang bahalang manguha ng kailangan ninyo kung saan mayroon, at ang tisang gagawin ninyo araw-araw ay sindami rin ng dati.”
12 Ginalugad ng mga Israelita ang buong Egipto sa paghahanap ng dayami.
13 Sila'y inaapura ng mga tagapangasiwa at pilit na pinagagawa ng tisang sindami rin noong sila'y binibigyan pa ng dayami.
14 Kapag kulang ang kanilang nagawa, ang mga kapatas na Israelita ay binubugbog ng mga tagapangasiwa, at tinatanong: “Bakit kakaunti ang nagawa ninyo ngayon?”
15 Dahil dito, pumunta sa Faraon ang mga kapatas at nagreklamo, “Bakit po naman ninyo kami ginaganito?
16 Pinagagawa pa po kami ng tisa ngunit hindi na binibigyan ng dayami. At ngayon po'y binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang may pagkukulang!”
17 Sinabi ng Faraon, “Mga batugan! Tinatamad lang kayo kaya ninyo hinihiling sa akin na payagan kayong maghandog kay Yahweh.
18 Sige, magbalik na kayo sa inyong trabaho. Hindi kayo bibigyan ng dayami, at ang gagawin ninyong tisa ay sindami pa rin ng dati ninyong ginagawa.”
19 Nakita ng mga kapatas ang hirap ng kanilang katayuan nang sabihin sa kanilang sindami rin ng dati ang kanilang gagawin.
20 Pag-uwi nila mula sa pakikipag-usap sa Faraon, nakita nila sa daan sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila.
21 Sinabi nila sa dalawa, “Parusahan sana kayo ni Yahweh. Dahil sa ginawa ninyong ito, nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Binigyan pa ninyo sila ng dahilang patayin kami.”
22 Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari?
23 Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.”