1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Ilaan ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.”
3 Sinabi naman ni Moises sa mga Israelita, “Aalalahanin ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkaalipin sa bansang Egipto; mula roo'y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.
4 Umalis kayo ng Egipto sa araw na ito ng unang buwan.
5 Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hivita at Jebuseo. Pagdating doon, ipagdiriwang ninyo taun-taon ang araw na ito.
6 Ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw ay tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay ipagpipista ninyo si Yahweh.
7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw. At sa panahong iyon, huwag magkakaroon ng pampaalsa o tinapay na may pampaalsa sa inyong lupain.
8 Sa araw na iyon, sasabihin ng bawat isa sa kanyang mga anak: ‘Ginagawa natin ito bilang pag-aalaala sa pagliligtas sa amin ni Yahweh nang ilabas niya kami sa Egipto.’
9 Ang pag-alalang ito'y magiging isang palatandaan sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yahweh, sapagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan.
10 Gaganapin ninyo ang pag-aalaalang ito sa takdang araw taun-taon.”
11 “Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupain ng mga Cananeo, sa lupaing ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno. Pagdating doon,
12 ibukod ninyo para sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki. Kanya rin ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop.
13 Lahat ng panganay na lalaki ng mga asno ay tutubusin ninyo ng tupa; kung ayaw ninyong tubusin, baliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang mga anak ninyong panganay.
14 Darating ang araw na itatanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito. Sabihin ninyo sa kanila na kayo'y iniligtas ni Yahweh mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Sabihin ninyo na nang magmatigas ang Faraon at ayaw kayong payagang umalis sa Egipto, pinatay ni Yahweh ang lahat nilang panganay, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kaya ninyo inihahandog sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki, ngunit ang anak ninyong panganay ay inyong tinutubos.
16 Ang paghahandog na ito'y magsisilbing palatandaan, tulad ng tatak sa inyong kamay o sa inyong noo; ito'y pag-alala sa ginawa ni Yahweh nang kayo'y ilabas niya sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”
17 Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto.
18 Kaya, sila'y pinaligid niya sa ilang, patungong Dagat na Pula; sila'y handang-handang makipaglaban.
19 Ang mga buto ni Jose ay dinala ni Moises sa kanilang pag-alis bilang pagtupad sa kahilingan nito. Ang sinabi noon ni Jose, “Tiyak na ililigtas kayo ni Yahweh; pag-alis ninyo rito'y dalhin ninyo ang aking mga buto.”
20 Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang.
21 Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila.
22 Laging nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi.