1 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo.
2 Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto.
3 Ngunit patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto
4 ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita.
5 Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.”
6 At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh.
7 Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon.
8 Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron,
9 “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.”
10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod.
11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron.
12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron.
13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.
14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita.
15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog.
16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod.
17 Ngunit tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig
18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”
19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”
20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig.
21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto.
22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.
23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo.
24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.