22 Ganoon nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw.
23 Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita.
24 Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.”
25 Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos.
26 Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.”
27 Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita.
28 Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.”