5 Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy.
6 Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises.
7 Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?”
8 Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?”
9 Sumagot si Moises, “Lahat po kami, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Dadalhin din naming lahat ang aming mga tupa, kambing at mga baka. Kailangan pong kasamang lahat sapagkat ipagpipista namin si Yahweh.”
10 Sinabi ng Faraon, “Tawagin na ninyo si Yahweh, hindi ko papayagang isama ninyo ang inyong mga asawa't mga anak. Maliwanag na may binabalak kayong masama.
11 Hindi ako papayag na isama ninyo ang lahat, kayo na lang mga lalaki ang umalis upang sumamba sa inyong Yahweh kung iyan ang gusto ninyo.” Pagkasabi nito'y ipinagtabuyan sila ng Faraon.