9 Ang pag-alalang ito'y magiging isang palatandaan sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yahweh, sapagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan.
10 Gaganapin ninyo ang pag-aalaalang ito sa takdang araw taun-taon.”
11 “Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupain ng mga Cananeo, sa lupaing ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno. Pagdating doon,
12 ibukod ninyo para sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki. Kanya rin ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop.
13 Lahat ng panganay na lalaki ng mga asno ay tutubusin ninyo ng tupa; kung ayaw ninyong tubusin, baliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang mga anak ninyong panganay.
14 Darating ang araw na itatanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito. Sabihin ninyo sa kanila na kayo'y iniligtas ni Yahweh mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Sabihin ninyo na nang magmatigas ang Faraon at ayaw kayong payagang umalis sa Egipto, pinatay ni Yahweh ang lahat nilang panganay, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kaya ninyo inihahandog sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki, ngunit ang anak ninyong panganay ay inyong tinutubos.