16 Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo.
17 Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan.
18 Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.”
19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap.
20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.
21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig.
22 Ang mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader.