4 Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?”
5 Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo.
6 Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai. Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel.
7 Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah” at “Meriba” sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi.
8 Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita.
9 Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.”
10 Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol.