1 Nabalitaan ni Jetro, biyenan ni Moises at pari sa Midian, ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto.
2 Si Jetro ang nag-aruga kay Zipora nang ito'y pauwiin ni Moises sa Midian
3 kasama ang dalawa nilang anak. Gersom ang pangalan ng una sapagkat ang sabi ni Moises nang ito'y isilang: “Ako'y dayuhan sa lupaing ito.”
4 Ang pangalawa nama'y Eliezer, sapagkat ang sabi niya: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.”
5 Isinama ni Jetro ang asawa ni Moises at ang dalawang anak nito, at pumunta sa pinagkakampuhan nina Moises sa ilang, sa tabi ng Bundok ng Diyos.
6 Pagdating doon, ipinasabi niya kay Moises: “Darating ako riyan, kasama ang iyong asawa't dalawang anak.”
7 Kaya't sinalubong sila ni Moises. Nagbigay-galang siya sa biyenan, niyakap ito, at isinama sa kanyang tolda; doon sila nagkumustahan at masayang nagbalitaan.