13 Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya.
14 Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”
15 Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos.
16 Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin.
18 Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa.
19 Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin.