8 Isinalaysay ni Moises ang lahat ng ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa mga Egipcio, at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita. Isinalaysay rin niya ang mga hirap na inabot nila sa paglalakbay at kung paano sila tinulungan ni Yahweh.
9 Natuwa si Jetro sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila sa mga Egipcio.
10 Sinabi niya, “Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto!
11 Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita.”
12 At si Jetro ay nagdala ng handog na susunugin at iba pang handog para sa Diyos. Dumating naman si Aaron at ang mga pinuno ng Israel, at kumain sila, kasalo ng biyenan ni Moises.
13 Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya.
14 Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”