9 Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan.
10 Nang malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises ang ipapangalan ko sa kanya.”
11 Nang binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita niya ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo.
12 Tumitingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at tinabunan ito ng buhangin.
13 Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”
14 “Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nabatid na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio.
15 Nakarating ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian.Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon.