11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.
14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon.
15 Ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.
16 “Ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy.
17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.