19 “Dadalhin ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.
20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo.
21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya.
22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway.
23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko.
24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba.
25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman.