5 Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.
6 “Huwag ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap.
7 Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon.
8 Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.
9 “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.
10 “Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga.
11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.