2 Sinabi ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh.
3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh.
4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan.
5 Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno.
6 Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin.
7 Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio.
8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’”