18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik.
19 Dahil dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.
20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin.
21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran.
22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito.
23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.”
24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.