20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin.
21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran.
22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito.
23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.”
24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.
25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”
26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay.