1 Ito ang pahayag na ibinigay ng Diyos kay Jesu-Cristo, at sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo, kanya namang inihayag kay Juan na alipin niya. Ang layunin ng paghahayag na ito'y ipabatid sa mga alipin ng Diyos ang mga bagay na malapit nang maganap.
2 Ito ang patotoo ni Juan sa lahat ng nakita niya tungkol sa mensahe ng Diyos na ipinahayag naman ni Jesu-Cristo.
3 Mapalad ang bumabasa ng aklat na ito, ang mga nakikinig sa propesiya nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat malapit na itong maganap.
4 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia.Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating. Ito'y mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono,
5 at mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay at pinuno ng mga hari sa lupa.Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya niya tayo sa ating mga kasalanan.
6 Ginawa niya tayong isang lahi ng mga pari na naglilingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
7 Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga sumibat sa kanyang tagiliran; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Ganoon nga ang mangyayari. Amen!
8 “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat; Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.
9 Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos sapagkat ipinahayag ko ang salita ng Diyos at ang katotohanang inihayag ni Jesus.
10 Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta.
11 Sabi niya, “Isulat mo ang iyong nakita, at ipadala mo sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.”
12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto.
13 Nakatayo sa gitna ng mga ilawan ang isang parang Anak ng Tao na nakadamit ng hanggang sakong, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib.
14 Ang kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab.
15 Kumikinang ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig.
16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumalabas sa kanyang bibig ang isang matalim na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang matinding sikat ng araw.
17 Pagkakita ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas,
18 at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay.
19 Kaya't isulat mo ang iyong nakita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito.
20 Ito ang kahulugan ng pitong ilawang ginto at ng pitong bituing hawak ko. Ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya at ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya.