1 Pagkatapos ay nakita kong umahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang lumalait sa Diyos.
2 Ang halimaw ay parang leopardo, ngunit ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bunganga ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan.
3 Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na halos ikamatay nito, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw.
4 Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw. “Sino ang makakatulad sa halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?” sabi nila.
5 Pinahintulutang magyabang ang halimaw, manlait sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
6 Nilait nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon.
7 Pinahintulutan din siyang salakayin at gapiin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa.
8 Sasamba sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay magmula pa nang likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y iniingatan ng Korderong pinatay.
9 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig!
10 Ang sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa digmaan ay sa digmaan nga mamamatay. Kaya't kailangang magpakatatag at maging tapat ang mga hinirang ng Diyos.”
11 At nakita ko ang isa pang halimaw na lumitaw sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit ang kanyang tinig ay parang tinig ng dragon.
12 Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nasugatan nang malubha ngunit gumaling na.
13 Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw, nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao.
14 Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit muling gumaling.
15 Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng buhay ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya.
16 Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya.
17 At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas niyon.
18 Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay 666.