1 Pagkatapos nito, may nakita naman akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag munang umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy.
2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat,
3 “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa natin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.”
4 At sinabi sa akin ang bilang ng mga tinatakan, 144,000 buhat sa labindalawang lipi ng Israel.
5-8 Labindalawang libo mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Reuben, Gad, Aser, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas.
10 Sinasabi nila nang malakas, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!”
11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, gayundin ang mga pinuno, at ang apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos.
12 Sinasabi nila, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at lakas magpakailanman! Amen.”
13 Tinanong ako ng isa sa mga pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”
14 “Ginoo, kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa gitna ng matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit.
15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila.
16 Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init,
17 sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila'y gagabayan niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”