1 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Lumakad na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.”
2 At umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. Kaya't nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang nabubuhay sa dagat.
4 Ibinuhos naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito.
5 At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,“Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
6 Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propetaay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.Iyan ang nararapat sa kanila!”
7 At narinig ko mula sa dambana ang ganitong pananalita,“Oo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!”
8 At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang sunugin ang mga tao sa tindi ng init nito.
9 Nasunog nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot.
10 Ibinuhos naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao,
11 at nilapastangan nila ang Diyos dahil sa dinaranas nilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain.
12 At ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog at nagkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan.
13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, at ng halimaw, at ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka.
14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 “Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Mapalad ang nanatiling gising at nakabihis na. Hindi siya lalakad na hubad at di mapapahiya sa harap ng mga tao!”
16 At ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.
17 Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!”
18 Kumidlat, kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.
19 Nahati sa tatlong bahagi ang malaking lunsod, at nawasak ang lahat ng lunsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot.
20 Nawala ang lahat ng pulo at gumuho ang lahat ng bundok.
21 Umulan ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos limampung kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na dinaranas nila.