1 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero,
2 at umaagos sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito'y iba-iba bawat buwan, at nakapagpapagaling naman sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito.
3 Wala roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.Makikita sa lunsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod.
4 Makikita nila ang kanyang mukha, at masusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan.
5 Doo'y wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilaw o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman.
6 At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoong Diyos, na nagkaloob ng kanyang Espiritu sa mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”
7 At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Mapalad ang tumutupad sa mga propesiya na nilalaman ng aklat na ito!”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin.
9 Ngunit sinabi niya, “Huwag! Ako ma'y alipin ding tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”
10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito.
11 Magpatuloy sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang mabubuti ay magpatuloy sa pagpapakabuti at ang banal sa pagpapakabanal.”
12 At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa!
13 Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”
14 Mapapalad ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lunsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay.
15 Subalit maiiwan sa labas ng lunsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga sinungaling sa salita at sa gawa.
16 “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako'y mula sa angkan ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”
17 Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!”Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.
18 Akong si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito; ang sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay daragdagan ng Diyos ng parusa; idaragdag sa kanya ang mga salot na nakasulat dito.
19 Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga propesiyang naririto ay aalisan naman ng Diyos ng karapatan sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lunsod na binabanggit dito.
20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!”Sana'y dumating ka na, Panginoong Jesus!
21 Nawa'y makamtan ng lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesus.Amen.