1 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay sa bituin ang susi ng banging napakalalim.
2 Binuksan ng bituin ang bangin at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid.
3 May naglabasang mga balang mula sa usok at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kakayanang manakit, tulad ng pananakit ng mga alakdan.
4 Ipinagbilin sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan.
5 Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito.
6 Sa loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.
7 Ang mga balang ay parang mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sila'y may putong na parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha.
8 Parang buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
9 Natatakpan ng mga baluting bakal ang kanilang dibdib, at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng mga karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan.
10 Sila ay may buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan.
11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa banging napakalalim. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, at sa wikang Griego'y Apolion.
12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pa ang darating.
13 Hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos.
14 Iniutos nito sa anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.”
15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito.
16 Sinabi sa akin na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon.
17 At nakita ko sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre.
18 Ang tatlong salot na pumatay sa ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay ang apoy, usok at asupre na nagmula sa kanilang bibig.
19 Ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at nasa kanilang mga buntot na parang ahas at may ulo na siyang ginagamit nila sa pananakit.
20 Ang natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man.
21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.