9 Nasunog nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot.
10 Ibinuhos naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao,
11 at nilapastangan nila ang Diyos dahil sa dinaranas nilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain.
12 At ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog at nagkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan.
13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, at ng halimaw, at ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka.
14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 “Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Mapalad ang nanatiling gising at nakabihis na. Hindi siya lalakad na hubad at di mapapahiya sa harap ng mga tao!”