19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lunsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!”
20 Magalak ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!
21 Isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato. Ubos-lakas niyang inihagis iyon sa dagat, at sinabi, “Ganito ibabagsak ang tanyag na lunsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli!
22 Hindi na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga dalubhasa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan!
23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 Pinarusahan siya sapagkat pinadanak niya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa sanlibutan.