9 Tatangis at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lunsod.
10 Tatayo lang sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang matatag na lunsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa dakila at makapangyarihang lunsod ng Babilonia!”
11 Dahil sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda.
12 Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga linen, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol.
13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at pati buhay ng tao.
14 “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay napahamak kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!”
15 Hindi lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lunsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati.