1 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng bangin na walang kasing-lalim.
2 Sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong taon.
3 Ito'y inihagis ng anghel sa bangin na walang kasing-lalim, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.
4 At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon.