Pahayag 20:3-9 RTPV05

3 Ito'y inihagis ng anghel sa bangin na walang kasing-lalim, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.

4 At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon.

5 Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay bubuhayin din pagkaraan ng sanlibong taon.

6 Mapalad at lubos na pinagpala ang mga nakasama sa unang pagbuhay sa mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.

7 Pagkatapos ng sanlibong taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo.

8 Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito at isasama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay magiging sindami ng buhangin sa tabing-dagat.

9 Kumalat sila sa buong mundo at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lunsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas.