3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nilang palagi ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila.
4 At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, binabago ko na ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, maaasahan at totoo ang mga salitang ito.”
6 Sinabi pa rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ng tubig na walang bayad na mula sa bukal na nagbibigay-buhay;
7 ito ang makakamtan ng magtatagumpay. At ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko.
8 Subalit malagim ang kasasapitan ng mga duwag, ng mga taksil, ng mga nagpapasasa sa kasuklam-suklam na kahalayan, ng mga mamamatay-tao, ng mga nakikiapid, ng mga mangkukulam, ng mga sumasamba sa diyus-diyosan, at lahat ng mga sinungaling. Ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.”