8 Subalit malagim ang kasasapitan ng mga duwag, ng mga taksil, ng mga nagpapasasa sa kasuklam-suklam na kahalayan, ng mga mamamatay-tao, ng mga nakikiapid, ng mga mangkukulam, ng mga sumasamba sa diyus-diyosan, at lahat ng mga sinungaling. Ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.”
10 Napasailalim ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lunsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos.
11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, ng diamanteng sinlinaw ng kristal.
12 Ang pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang pinto, at sa bawat pinto ay may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel.
13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran.
14 Ang pader ng lunsod ay may labindalawang pundasyon at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.