1 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis:“Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Nalalaman ko ang ginagawa mo; ipinapalagay kang buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay.
2 Kaya't gumising ka! Pag-alabin mo ang mga katangiang nalalabi pa sa iyong buhay upang hindi ito tuluyang mamatay. Nakikita kong hindi pa ganap ang mga nagawa mo sa paningin ng aking Diyos.
3 Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating.
4 “Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na nag-ingat na mapanatiling malinis ang kanilang damit, kaya't kasabay ko silang maglalakad na nakasuot ng puti sapagkat sila'y karapat-dapat.