5 Ang magtatagumpay ay magdaramit ng puti, at hindi ko kailanman aalisin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
6 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
7 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:“Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang buksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.
8 Nalalaman ko ang mga ginagawa mo. Alam kong mahina ka ngunit sinusunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman.
9 Tingnan mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita.
10 Sapagkat nagtiyaga ka gaya ng iniuutos ko sa iyo, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig!
11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo ang mga tagubilin ko sa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala.