32 Sa kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya
33 gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan.
34 “Narinig ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya:
35 ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno,
36 maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’
37 Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon.
38 Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’