1 Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan,
2 ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,
3 ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar.
4 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”
5 At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh.
6 Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar.
7 Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan.
8 Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.
9 Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10 Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh.
11 Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito.
12 Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.