1 “Ang isang lalaking kinapon o naputulan ng ari ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh.
2 “Sinumang anak sa labas ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi.
3 “Ang isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi,
4 sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo.
5 Gayunman, hindi siya dininig ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa halip, pinagpala niya kayo sapagkat mahal kayo ni Yahweh.
6 Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana.
7 “Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain.
8 Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi.
9 “Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo.
10 “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik.
11 Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo.
12 “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran.
13 Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi.
14 Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo.
15 “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo.
16 Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin.
17 “Sinumang Israelita, babae man o lalaki ay hindi maaaring magbenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.
18 Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.
19 “Huwag kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan.
20 Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
21 “Huwag ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon.
22 Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata.
23 Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh.
24 “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi.
25 Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit.