1 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon.
2 Pagkatawid ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw.
3 At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
4 Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon.
5 Magtayo kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin.
6 Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin.
7 Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh.
8 At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”
9 Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh.
10 Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
11 Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel,
12 “Pagkatawid ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala.
13 Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa.
14 Ganito naman ang isisigaw ng mga pari:
15 “‘Sumpain ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’“Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’
16 “‘Sumpain ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
17 “‘Sumpain ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
18 “‘Sumpain ang sinumang magligaw sa bulag.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
19 “‘Sumpain ang sinumang magkait ng katarungan sa mga dayuhan, ulila at biyuda.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
20 “‘Sumpain ang sinumang nakikipagtalik sa ibang asawa ng kanyang ama, sapagkat inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
21 “‘Sumpain ang sinumang makipagtalik sa anumang uri ng hayop.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
22 “‘Sumpain ang sinumang sumiping sa kanyang kapatid na babae, kahit pa ito'y kapatid sa ama o sa ina.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
23 “‘Sumpain ang sinumang sumiping sa kanyang biyenang babae.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
24 “‘Sumpain ang sinumang lihim na pumatay sa kanyang kapwa.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
25 “‘Sumpain ang sinumang nagpapabayad upang pumatay ng taong walang kasalanan.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’
26 “‘Sumpain ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’