1 “Pakinggan ninyo, O Israel: Ngayong araw na ito, tatawid kayo ng Jordan upang sakupin ang mga bansang makapangyarihan kaysa inyo at ang mga lunsod na napapaligiran ng matataas na pader.
2 Malalaki at matataas ang mga tagaroon, mga higante. Hindi kaila sa inyo ang kasabihang: ‘Walang makakalupig sa angkan ng higante.’
3 Subalit pakatatandaan ninyo na ang Diyos ninyong si Yahweh ang nangunguna sa inyo tulad ng isang malakas na apoy. Sila'y kanyang gagapiin upang madali ninyo silang maitataboy gaya ng sinabi ni Yahweh.
4 “Kung sila'y maitaboy na ni Yahweh alang-alang sa inyo, huwag ninyong iisipin na sila'y itinaboy dahil sa kayo'y matuwid. Ang totoo'y itinaboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan
5 at hindi dahil sa kayo'y matuwid kaya mapapasa-inyo ang lupaing iyon. Itataboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan, at bilang pagtupad pa rin sa pangako niya sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.
6 “Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo.
7 Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo.
8 Noong kayo'y nasa Sinai, ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon.
9 Nang ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom.
10 Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok.
11 Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato.
12 “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’
13 “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito.
14 Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’
15 “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan.
16 Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo.
17 Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo.
18 Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh.
19 Natakot ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako.
20 Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya.
21 Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.
22 “Muli ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava.
23 Nang kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man.
24 Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh.
25 “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain.
26 Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan.
27 Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo.
28 Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila.
29 Sila ang inyong bayang hinirang, ang bayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’