1 “Ang bawat ikapitong taon ay gagawin ninyong taon ng pagpapatawad sa mga may utang sa inyo.
2 Ganito ang inyong gagawin: huwag na ninyong sisingilin ang kababayan ninyong may utang sa inyo, sapagkat ito'y taon ng pagpapatawad na itinakda ni Yahweh.
3 Ang mga dayuhan lamang ang sisingilin ninyo, at hindi ang inyong mga kababayan.
4 “Walang maghihirap sa inyo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh sapagkat tiyak na pagpapalain niya kayo
5 kung makikinig kayo sa kanyang tinig at susunod sa kanyang mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon.
6 Nangako si Yahweh na kayo'y pagpapalain niya. Hindi na kayo mangungutang kaninuman, sa halip ay kayo ang magpapautang sa maraming bansa. Hindi kayo masasakop ng sinuman, sa halip ay kayo ang mananakop sa maraming bayan.
7 “Pagdating ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kababayan ninyong nangangailangan.
8 Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan.
9 Huwag ninyong pagdadamutan ang inyong kababayan kapag nangungutang siya sa panahong malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapatawad. Kapag sila'y tinanggihan ninyo at dumaing sila kay Yahweh, mananagot kayo sa kanya.
10 Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin.
11 Kailanma'y hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.
12 “Kapag nakabili kayo ng kapwa ninyong Israelita bilang alipin, babae o lalaki man, anim na taon siyang maglilingkod sa inyo. Pagdating ng ikapitong taon, palalayain na ninyo siya
13 at huwag ninyo siyang paaalisin nang walang dala.
14 Sa halip, bibigyan ninyo siya ng tupa, trigo, inumin at langis, mula sa mga ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh.
15 Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y pinalaya kayo ng Diyos ninyong si Yahweh, kaya iniuutos ko ito ngayon sa inyo.
16 Ngunit kung gusto niyang manatili dahil sa pagmamahal niya sa inyo at sa inyong sambahayan,
17 dalhin ninyo siya sa may pintuan at butasan ang kanyang tainga. Sa gayon, siya'y magiging alipin ninyo habang buhay. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga aliping babae.
18 Hindi kayo dapat manghinayang sa ibibigay ninyo sa kanya kung aalis siya sapagkat ang ibibigay ninyo'y katumbas lamang ng upa sa isang manggagawang nagtrabaho nang tatlong taon. Gawin ninyo ito at pagpapalain ng Diyos ninyong si Yahweh ang lahat ng inyong gagawin.
19 “Lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga alagang hayop ay ibubukod ninyo para kay Yahweh; huwag ninyo itong pagtatrabahuhin ni gugupitan.
20 Ito ay kakainin ninyo sa harapan ni Yahweh, sa lugar na pipiliin niya.
21 Ngunit kung may kapansanan ang panganay na hayop, bulag o pilay, huwag ninyo itong ihahandog kay Yahweh na inyong Diyos.
22 Ito'y maaaring kainin sa bahay, tulad ng pagkain ninyo sa isang usa. Pati ang taong itinuturing na marumi ay maaaring kumain nito.
23 Huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa.