1 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh at may nakita kayong bangkay sa parang at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay,
2 ipagbigay-alam ninyo iyon sa matatandang pinuno at mga hukom upang sukatin nila ang distansya ng mga lunsod sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
3 Pagkatapos, ang pinuno ng pinakamalapit na lunsod ay kukuha ng isang dumalagang baka na hindi pa napapagtrabaho.
4 Dadalhin nila ito sa isang batis na may umaagos na tubig, sa isang lugar na hindi pa nabubungkal ni natatamnan. Pagdating doon, babaliin ang leeg ng baka.
5 Pagkatapos, lalapit ang mga paring Levita sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya at upang magbigay ng basbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Sila ay magpapasya sa bawat usapin.
6 Ang mga pinuno ng lunsod na malapit sa pinangyarihan ng krimen ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka.
7 Sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay. Hindi rin namin alam kung sino ang gumawa nito.
8 Patawarin mo po, Yahweh, ang iyong bayang Israel na iyong iniligtas. Huwag mo po kaming panagutin sa pagkamatay ng taong ito.’
9 Hindi kayo mananagot sa mga ganitong pangyayari kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.
10 “Kung pagtagumpayin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh sa pakikipagdigma sa inyong mga kaaway at sila'y mabihag ninyo,
11 at kung sakaling may makita kayong magandang babae mula sa mga bihag at nais ninyo itong maging asawa,
12 dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko,
13 at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan.
14 Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri.
15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal,
16 huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal.
17 Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal.
18 “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina,
19 siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa pinuno ng bayan.
20 Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo at suwail ang anak naming ito; at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay ang aming kayamanan.’
21 Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang sa mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya. Mapapabalita ito sa buong Israel at matatakot silang tumulad doon.
22 “Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan,
23 hindi dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.