1 Ito ang mga tuntunin ng kasunduang ibinigay ni Yahweh kay Moises upang sabihin sa mga Israelita nang sila'y nasa lupain ng Moab, bukod pa sa kasunduang ginawa niya sa Sinai.
2 Tinipon ni Moises ang mga Israelita at sinabi, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ni Yahweh kay Faraon, sa kanyang mga tauhan at sa buong Egipto.
3 Nakita ninyo ang kapangyarihan ni Yahweh at ang mga tanda at kababalaghang ginawa niya.
4 Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya hinahayaang maunawaan ninyo ang inyong mga naranasan.
5 Apatnapung taon akong nanguna sa inyo sa ilang. Hindi kailanman nasira ang inyong kasuotan ni napudpod ang inyong sandalyas.
6 Wala kayong pagkain o inumin ngunit binigyan kayo ni Yahweh upang malaman ninyong siya ang ating Diyos.
7 Pagdating ninyo rito, dinigma tayo ni Haring Sihon ng Hesbon at ni Haring Og ng Bashan. Ngunit nagapi natin sila.
8 Nasakop natin ang kanilang lupain at iyon ang ibinigay natin sa lipi nina Ruben, Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases.
9 Kaya, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin ng kasunduang ito upang magtagumpay kayo sa lahat ng inyong gagawin.
10 “Ngayo'y narito tayong lahat sa harapan ni Yahweh—ang pinuno ng bawat lipi, ang matatandang pinuno, ang mga opisyal, ang mga mandirigma ng Israel,
11 ang inyong mga asawa at mga anak, at kahit ang mga dayuhang nagsisibak ng kahoy at nag-iigib ng tubig para sa inyo—
12 upang manumpa sa pangalan ni Yahweh at makipagtipan sa kanya.
13 Sa pamamagitan ng kasunduang ito, ipinapahayag niyang kayo ang kanyang bayan at siya ay inyong Diyos tulad ng kanyang ipinangako sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.
14 At ang kasunduang ito'y hindi lamang para sa ating narito ngayon
15 kundi pati sa mga magiging mga anak natin.
16 “Hindi kaila sa inyo ang naging buhay natin sa Egipto, at sa mga bansang nadaanan natin sa paglalakbay.
17 Nakita ninyo ang kasuklam-suklam nilang gawain, ang mga diyos nilang yari sa bato, kahoy, pilak at ginto.
18 Mag-ingat nga kayo at baka sa inyo'y may isang lalaki, babae, sambahayan o angkang tumalikod kay Yahweh upang maglingkod sa diyus-diyosan ng mga bansang iyon. Baka sa inyo'y may lumitaw na isang taong katulad ng punongkahoy na mapait at nakakalason ang bunga.
19 Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama.
20 Hindi patatawarin ni Yahweh ang ganoong tao, sa halip ay magagalit siya sa taong iyon. Mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat ng kautusang ito hanggang sa lubusan siyang mapuksa ni Yahweh.
21 Ihihiwalay siya ni Yahweh mula sa mga lipi ng Israel upang ibuhos sa kanya ang sumpang nakatala sa aklat na ito.
22 “Makikita ng salinlahing susunod sa atin, at ng mga dayuhang mula sa malalayong bansa ang mabigat na parusa ni Yahweh.
23 Makikita nila ang lupaing tinupok sa pamamagitan ng asupre at tinabunan ng asin. Kaya't kahit damo ay hindi tutubo roon, gaya ng nangyari sa Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboim nang ibagsak niya rito ang kanyang matinding galit.
24 At sasabihin ng lahat ng nakakita nito, ‘Bakit pinuksa ni Yahweh ang bansang ito? Bakit matindi ang naging galit niya sa kanila?’
25 Ang isasagot ay, ‘Sapagkat tinalikuran nila ang kanilang kasunduan kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na siyang naglabas sa kanila sa Egipto.
26 Sila'y naglingkod at sumamba sa mga diyus-diyosang hindi nila kilala at ipinagbabawal ni Yahweh sa kanila.
27 Iyan ang dahilan kaya nagalit sa kanila si Yahweh at ibinagsak sa kanila ang mga sumpang nakasulat sa aklat na ito.
28 At dahil sa matindi niyang galit, sila'y pinaalis ni Yahweh sa kanilang lupain at itinapon sa ibang lugar. Naroon sila ngayon.’
29 “May mga bagay na sadyang inilihim ng Diyos nating si Yahweh. Ngunit ipinahayag ang kautusang ito upang sundin natin at ng ating mga anak magpakailanman.