1 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
2 Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy.
3 Gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.
4 “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan.
5 Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan.
6 Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop.