9 Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.
10 “Kung kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla;
11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang.
12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla.
13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.
14 “Huwag ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo.
15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.