1 “Kung susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa.
2 Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
3 “Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid.
4 “Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop.
5 “Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.
6 “Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin.
7 “Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.