9 Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan.
10 Sinabi niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang,
11 basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya.
12 Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos.
13 Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”
14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila.
15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.