2 Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,
3 hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon.
4 Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy.
5 Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:
6 “‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
7 “‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
8 “‘Huwag kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin.